SA PANITIK MAG-UUGAT

"Isang natatanging sining ang malayang pagsulat. Sa pamamagitan ng mga mabisa, pili at angkop na salita't pananalita, maipapahayag ang iba't ibang kaisipan, ideya at damdamin. Mailalarawan ang kagandahan ng katalagahan, ng kalikasan, at ng buhay.Mabibigyan ng kulay ang mga payak na bagay at madadamtan ang iba't ibang kaganapan at karanasan."

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Bagong Sipat kay Clodualdo Del Mundo Sr.

Commemoration of Del Mundo’s 100th birthday
7 Setyembre 2011, CCP Manuel Conde Theater
Nakilala ang pangalang Clodualdo del Mundo maitatag ang samahang PANITIKAN, isang kalipunan ng kabataang manunulat na naghimagsik sa mga akda ng matatanda  at naggiit na sila ay “mga sakdalista at aristokrata sa sangbayanan ng mga mananagalog: sakdalista sapagkat tumututol sa   hidwang pamamalakad at tulog na sining ng ilang ‘nasa kapangyarihan’; at aristokrata sapagkat hindi  natatakot mapawalay at maging persona non grata sa nakararami, kung ito’y kailangan sa ikatatangi, ikadadakila, at ikatataas ng uri ng Panitikang Tagalog.”  Katuwang ni Alejandro G. Abadilla si Del Mundo nang tipunin nila ang kapwa kabataang manunulat upang umugit ng modernong landas sa pagkatha.  Humango sila ng mga diwain sa paglikha  sa bagong panitikan ng Kanluran.  At bilang radikal na pagtalikod nila sa itinuturing nilang luma nang mga kuwento at tula, nagtanghal ang PANITIKAN ng isang rally sa Plaza Moriones sa Tondo  at doo’y sinunog  ang mga akda ng matatandang manunulat, upang di-umano mabuksan ang landas para sa pag-iral ng bago.  Taong 1940 noon.
Maaga pa sa buhay ng PANITIKAN, may pahiwatig na si Del Mundo na hindi siya ganap na nakasakay sa bansag na “sakdalista at aristokrata” nang sa isang panayam  ay sinuri niya ang  tulang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla at hinatulan niya ito: “Ang ‘Ako ang Daigdig’ ay hindi tula.  Manapa’y naglalaman ito ng isang pilosopiyang sinulat nang paberso.”  Hinanapan niya ang tula ni Abadilla ng ng mga katangian ng itinuturing niyang  “tunay” na tula, tulad ng “pinakaubod ng mga layunin at damdamin na siya pa rin matatagpuan at madadama sapul noong panahong makasaysayan.”  Sa ganitong pagbasa sa akda ni Abadilla, ipinakilala ni Del Mundo na hindi siya bumitiw sa tradisyonal na konsepto ng pagtula bagamat naging president siya ng PANITIKAN.
Ang pagsilang ng modernong panitikan sa Amerika ay may kakambal na bagong panunuring pampanitikan na nakilala bilang “New Criticism,” na nagtakda na ang likhang-panulat ay isang bagay na may nagsasariling daigdig na hiwalay sa buhay ng  lipunang nagpasilang dito at sa awtor na lumikha ng akda.  Sa Filipinas, sa mga unang dekada ng Siglo 20, si Jose Garcia Villa, na sa Ingles nagsulat ng kanyang mga tula, ang unang nagpahayag ng mataas na pagpapahalaga sa malikhaing akda.  At umiral sa hanay ng mga kabataang manlilikha ang elitismo ni Villa at ang mababang pagtingin sa mga akdang lumalabas sa mga lingguhang magasin na tinatangkilik ng masang mambabasa.  Hindi nahikayat si Del Mundo na makiisa sa mga manunulat na hamakin ang mga akdang hatid ng mga lingguhan.  Sa  katunayan, naging patnugot siya sa pinakamalaganap na lingguhang Liwayway, na itinuring kapwa ng mga manunulat at mambabasa bilang mabisang impluwensiya sa pag-unlad ng panitikang Tagalog.
Sa kasalukuyang  may nagaganap na pagtalikod sa estetika ng “New Criticism,” nagsimula nang pahalagahan ang kulturang popular bilang anyo ng sining na umuugnay sa mga mambabasa.  Kung sa ilalim ng pormalistang pagbasa ng mga kritikong nasa impluwensiya ng “New Criticism,” ang akda bilang likha ang tanging pinag-uukulan ng pansin, ngayon ay kinikilala naman ang bisa ng akda sa mambabasa at kung paano ito tinatanggap ng publiko.  Ang komiks, radyo at pelikula ang prinsipal na lagusan ng kulturang popular nang aktibo pa si Del Mundo bilang patnugot ng Liwayway.   Tinangkilik niya sa mga pahina ng Liwaway ang kasaysayang nakalarawan ni Mars Ravelo na “Buhay-Pilipino” na lubhang kinagiliwan ng mga mambabasa dahil ang mga diyalogong  isinabibig ni Ravelo sa kanyang mga tauhan ay hinango ng awtor sa bibig mismo  ng karaniwang mamamayan at ang naratibo ay ibinatay sa  takbo ng buhay at halagahan ng mga taong aktuwal na namumuhay sa lipunan.  Naging matagumpay ang pagsusulat ni Del Mundo para sa radyo, at ang kanyang “Prinsipe Amante” ay walang-pagkasawang sinubaybayan ng mga tagapakinig na naglaan ng oras para sa pakikinig sa mga abentura at pakikipagsapalaran ng bayaning tunay na napamahal sa masa.  Sa sining ng pelikula ay napaugnay din si Del Mundo sa pamamagitan ng kanyang nobelang pang-komiks na pinamagatang “Damong Ligaw” na isinapelikula ng LVN Pictures sa direksiyon ni Lamberto Avellana.  Hindi siya lubos na nasiyahan sa naging resulta at ang kanyang mga puna sa pelikula ay naging dahilan upang ang hininging sanaysay ng LVN sa kanya ay hindi malathala.  Subalit may dalawang pelikulang naging tampok sa kasiningan na nagpapatunay sa bisa ng kanyang pagsasalaysay at paglalarawan ng mga tauhan.  Ito ang “Malvarosa” (sa direksiyon ni Gregorio Fernandez) at ang “Kadenang Putik” (sa direksiyon nina Conrado Conde at Cesar Gallardo).
Sa ating panahon, sa ikasandaang taon ni Clodualdo del Mundo, dapat nang kilalanin ang ambag niyang  malikhaing talino sa kulturang  popular sa wikang Tagalog.  Bagamat nauna siyang napaugnay sa “sakdalista at aristokratang” oryentasyon sa paglikha, sa kanyang paghawak ng tungkulin bilang bahagi ng patnugutan ng mga magasing popular, nabuo sa kanyang kalooban ang matibay na pagpapahalaga sa mga taong tumatangkilik sa sining na malapit sa puso at kamalayan ng nakararaming Filipino.  Ang kanyang naiwang mga halimbawa ng makabuluhang kulturang popular ay pamanang  dapat magsilbing pamantayan para sa mga kabataang manlilikhang nasa larangan ngayon ng komiks, radyo. telebisyon at pelikula.http://lumbera.ph/bagong-sipat-kay-clodualdo-del-mundo-sr/

Commemoration of Del Mundo’s 100th birthday
CCP Manuel Conde Theater
September 7, 2011
Nakilala ang pangalang Clodualdo del Mundo maitatag ang samahang PANITIKAN, isang kalipunan ng kabataang manunulat na naghimagsik sa mga akda ng matatanda  at naggiit na sila ay “mga sakdalista at aristokrata sa sangbayanan ng mga mananagalog: sakdalista sapagkat tumututol sa   hidwang pamamalakad at tulog na sining ng ilang ‘nasa kapangyarihan’; at aristokrata sapagkat hindi  natatakot mapawalay at maging persona non grata sa nakararami, kung ito’y kailangan sa ikatatangi, ikadadakila, at ikatataas ng uri ng Panitikang Tagalog.”  Katuwang ni Alejandro G. Abadilla si Del Mundo nang tipunin nila ang kapwa kabataang manunulat upang umugit ng modernong landas sa pagkatha.  Humango sila ng mga diwain sa paglikha  sa bagong panitikan ng Kanluran.  At bilang radikal na pagtalikod nila sa itinuturing nilang luma nang mga kuwento at tula, nagtanghal ang PANITIKAN ng isang rally sa Plaza Moriones sa Tondo  at doo’y sinunog  ang mga akda ng matatandang manunulat, upang di-umano mabuksan ang landas para sa pag-iral ng bago.  Taong 1940 noon.
Maaga pa sa buhay ng PANITIKAN, may pahiwatig na si Del Mundo na hindi siya ganap na nakasakay sa bansag na “sakdalista at aristokrata” nang sa isang panayam  ay sinuri niya ang  tulang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla at hinatulan niya ito: “Ang ‘Ako ang Daigdig’ ay hindi tula.  Manapa’y naglalaman ito ng isang pilosopiyang sinulat nang paberso.”  Hinanapan niya ang tula ni Abadilla ng ng mga katangian ng itinuturing niyang  “tunay” na tula, tulad ng “pinakaubod ng mga layunin at damdamin na siya pa rin matatagpuan at madadama sapul noong panahong makasaysayan.”  Sa ganitong pagbasa sa akda ni Abadilla, ipinakilala ni Del Mundo na hindi siya bumitiw sa tradisyonal na konsepto ng pagtula bagamat naging president siya ng PANITIKAN.
Ang pagsilang ng modernong panitikan sa Amerika ay may kakambal na bagong panunuring pampanitikan na nakilala bilang “New Criticism,” na nagtakda na ang likhang-panulat ay isang bagay na may nagsasariling daigdig na hiwalay sa buhay ng  lipunang nagpasilang dito at sa awtor na lumikha ng akda.  Sa Filipinas, sa mga unang dekada ng Siglo 20, si Jose Garcia Villa, na sa Ingles nagsulat ng kanyang mga tula, ang unang nagpahayag ng mataas na pagpapahalaga sa malikhaing akda.  At umiral sa hanay ng mga kabataang manlilikha ang elitismo ni Villa at ang mababang pagtingin sa mga akdang lumalabas sa mga lingguhang magasin na tinatangkilik ng masang mambabasa.  Hindi nahikayat si Del Mundo na makiisa sa mga manunulat na hamakin ang mga akdang hatid ng mga lingguhan.  Sa  katunayan, naging patnugot siya sa pinakamalaganap na lingguhang Liwayway, na itinuring kapwa ng mga manunulat at mambabasa bilang mabisang impluwensiya sa pag-unlad ng panitikang Tagalog.
Sa kasalukuyang  may nagaganap na pagtalikod sa estetika ng “New Criticism,” nagsimula nang pahalagahan ang kulturang popular bilang anyo ng sining na umuugnay sa mga mambabasa.  Kung sa ilalim ng pormalistang pagbasa ng mga kritikong nasa impluwensiya ng “New Criticism,” ang akda bilang likha ang tanging pinag-uukulan ng pansin, ngayon ay kinikilala naman ang bisa ng akda sa mambabasa at kung paano ito tinatanggap ng publiko.  Ang komiks, radyo at pelikula ang prinsipal na lagusan ng kulturang popular nang aktibo pa si Del Mundo bilang patnugot ng Liwayway.   Tinangkilik niya sa mga pahina ng Liwaway ang kasaysayang nakalarawan ni Mars Ravelo na “Buhay-Pilipino” na lubhang kinagiliwan ng mga mambabasa dahil ang mga diyalogong  isinabibig ni Ravelo sa kanyang mga tauhan ay hinango ng awtor sa bibig mismo  ng karaniwang mamamayan at ang naratibo ay ibinatay sa  takbo ng buhay at halagahan ng mga taong aktuwal na namumuhay sa lipunan.  Naging matagumpay ang pagsusulat ni Del Mundo para sa radyo, at ang kanyang “Prinsipe Amante” ay walang-pagkasawang sinubaybayan ng mga tagapakinig na naglaan ng oras para sa pakikinig sa mga abentura at pakikipagsapalaran ng bayaning tunay na napamahal sa masa.  Sa sining ng pelikula ay napaugnay din si Del Mundo sa pamamagitan ng kanyang nobelang pang-komiks na pinamagatang “Damong Ligaw” na isinapelikula ng LVN Pictures sa direksiyon ni Lamberto Avellana.  Hindi siya lubos na nasiyahan sa naging resulta at ang kanyang mga puna sa pelikula ay naging dahilan upang ang hininging sanaysay ng LVN sa kanya ay hindi malathala.  Subalit may dalawang pelikulang naging tampok sa kasiningan na nagpapatunay sa bisa ng kanyang pagsasalaysay at paglalarawan ng mga tauhan.  Ito ang “Malvarosa” (sa direksiyon ni Gregorio Fernandez) at ang “Kadenang Putik” (sa direksiyon nina Conrado Conde at Cesar Gallardo).
Sa ating panahon, sa ikasandaang taon ni Clodualdo del Mundo, dapat nang kilalanin ang ambag niyang  malikhaing talino sa kulturang  popular sa wikang Tagalog.  Bagamat nauna siyang napaugnay sa “sakdalista at aristokratang” oryentasyon sa paglikha, sa kanyang paghawak ng tungkulin bilang bahagi ng patnugutan ng mga magasing popular, nabuo sa kanyang kalooban ang matibay na pagpapahalaga sa mga taong tumatangkilik sa sining na malapit sa puso at kamalayan ng nakararaming Filipino.  Ang kanyang naiwang mga halimbawa ng makabuluhang kulturang popular ay pamanang  dapat magsilbing pamantayan para sa mga kabataang manlilikhang nasa larangan ngayon ng komiks, radyo. telebisyon at peliCommemoration of Del Mundo’s 100th birthd